Friday, May 6, 2016

My Favorite Poems

PUSO, ANO KA?

Jose Corazon de Jesus


Ang puso ng tao ay isang batingaw,
sa palo ng hirap, umaalingawngaw
hihip lang ng hapis pinakadaramdam,
ngumt pag lagi nang nasanay, kung minsan,
nakapagsasaya kahit isang bangkay.
Ang puso ng tao’y parang isang relos,
atrasadong oras itong tinutumbok,
oratoryo’y hirap, minutero’y lungkot,
at luha ang tiktak na sasagot-sagot,
ngunit kung ang puso’y sanay sa himutok
kahit libinga’y may oras ng lugod.
Ang puso ay ost’ya ng tao sa dibdib
sa labi ng sala’y may alak ng tamis,
kapag sanay ka nang lagi sa hinagpis
nalalagok mo rin kahit anung pait,
at parang martilyo iyang bawat pintig
sa tapat ng ating dibdib na may sakit.

Kung ano ang puso? Ba, sanlibrang laman
na dahil sa ugat ay gagalaw-galaw,
dahil sa pag-ibig ay parang batingaw,
dahil sa panata ay parang orasan,
at mukhang ost’ya rin ng kalulwang banal
sa loob ng dibdib ay doon nalagay.

MANGGAGAWA

Jose Corazon de Jesus


Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi a lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon’y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata ay kamau mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan…..
Bawat patak ng pawis mo’y yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nng buhay na walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.

BAYAN KO

Jose Corazon de Jesus


Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig na sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.
At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa.
Ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!
Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko’t dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya.

ITANONG MO SA BITUIN

Jose Corazon de Jesus


Isang gabi’y manungaw ka. Sa bunton ng panganorin
 ay tanawin ang ulila’t naglalamay na bituin;
Sa bitui’y itanong mo ang ngalan ng aking giliw
at kung siya’y magtatapat, ngalan mo ang sasabihin.
Ang bitui’y kapatid mo. Kung siya ma’y nasa langit,
ikaw’y ditong nasa lupa’t bituin ka ng pag-ibig;
dahil diya’y itanong mo sa bituin mong kapatid
kundi ikaw ang dalagang minamahal ko nang labis.
Itanong mo sa bitui’t bituin ang nakakita


AGAW-DILIM

Jose Corazon de Jesus


Namatay ang araw
sa dakong kanluran,
nang kinabukasa’y
pamuling sumilang,
ngunit ikaw, irog, bakit nang pumanaw
ay bukod-tangi kang di ko na namasdan?
Naluoy sa hardin
ang liryo at hasmin,
Mayo nang dumating
pamuling nagsupling,
ngunit ikaw, sinta, bakit kaya giliw
dalawang Mayo nang nagtago sa akin?
Lumipad ang ibon
sa pugad sa kahoy,
dumating ang hapon
at muling naroon,
ngunit ikaw, buhay, ano’t hangga ngayo’y
di pa nagbabalik at di ko matunton?



No comments:

Post a Comment